STA. ROSA, Nueva Ecija - Ayaw ng mga lokal na pamahalaan sa lalawigan na magkaroon ng problema sa basura.
Bukod sa panganib ng baha, sinabi ni Sta. Rosa Municipal Administrator Ruben Esquejo na naniniwala ang pamunuan ng kanilang bayan, sa pangunguna ni Mayor Otep Angeles, na magdudulot ng banta sa kalusugan kung hindi maayos ang pagpapatupad ng Solid Waste Management Act.
Ito rin ang dahilan kaya nagsagawa ng patimpalak nitong Disyembre ang bawat tanggapan ng kanilang munisipiyo gamit ang mga luma o ni-recycle na materyales gaya ng kutsara, tinidor, bote ng mineral water at iba pa.
Nilalayon ng patimpalak na palawakin ang kaalaman ng mga mamamayan hinggil sa batas at sa waste segregation upang mas madaling makapag-kumbinsi ng mga tao.
Bukod sa kampanya, isinaayos din ng pamahalaang bayan ang kanilang materials recovery facility (MRF) upang tanggapin ang mga ni-recycle na materyales mula sa iba't ibang barangay.
Sinabi pa ni Administrator Esquejo na nagpalabas na rin sila ng mga kautusan hinggil sa solid waste management para ipatupad ng mga lider-barangay sa kanilang mga nasasakupan.
Pagkatapos ng mga kautusan, magbabarangay-barangay din ang pamahalaang bayan para matiyak na hindi makakalimutan ng mga mamamayan ang paghihiwalay-hiwalay ng kanilang mga basura.
Una rito, sa panayam ng PIA, ibinahagi ng pamahalaang bayan ng General Tinio ang kanilang naging kampanya sa solid waste management.
Ayon kay Jun Bal, executive assistant ni Mayor Virgilio Bote, bawat barangay sa kanilang bayan ay hinikayat magtayo ng sariling MRF para ang maipapadala sa kanilang landfill ay mga nabubulok na lang.
Sinabi ni Bal na nakipag-alyansa sila sa mga simbahan at mga paaralan upang mapalawak ang kaalaman sa solid waste management lalo na sa mga kabataan. (WLB/LDRP PIA-3)
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
No comments:
Post a Comment